Hindi ako narito sa mundo upang sayangin ang panahon ng aking pamamalagi na pigilin ang sariling mahalin ka.
Nasubukan ko na ang lahat–ang pagtitig sa mabagal na patak, patak, patak ng oras na para bang manipis na kumot na nagpapalabo sa aking mga mata; ang paggugol sa aking oras sa pag-inom ng kung anu-anong lason at pagkain ng kung anu-anong mapait upang pagmukhaing bumibilis ang panahon; ang pagliwaliw sa mga nakasisilaw na ilaw at nakabibinging ingay upang alisin ang utak ko sa pangalan at mukha mo, sa gaspang ng mga kamay at init ng brasong kinikilala kong iyo.
Hindi tumatalab.
Mas lumalala lang ang aking kalagayan sa pagtanggi sa tungkulin kong ibigin ka nang buong utak at kaluluwa. Kaya isang araw, namulat ako’t bumangon. Ngayong araw na ito, wika ko, aakuin ko na nang buong-buo ang papel ko sa mundong maging masugid na tagahanga’t taga-ibig mo. Wala nang oras pang sasayangin, walang laway na papanisin, walang luhang hindi patutuluin, walang salitang lulunukin, walang damdaming hindi tatangkilikin.
Kung mga bagay siguro tayo, orasan tayong dalawa. Ikaw na ang bahalang pumili kung alin ka–ang oras, minuto, o segundo. Kahit alin pa kasi ang piliin mo, at kahit alin pa kasi ang maiwan sa akin, iisa lang ang ibig kong sabihin: hahabulin kita nang walang katapusan habang may baterya pang nagpapatakbo sa bawat hakbang mong palayo at bawat hakbang kong palapit sa iyo.
Pasensya ka na. Hindi na ako magpapatumpik-tumpik pa. Iyo na ang lahat ng oras ko. At kung ayaw mo, pasensya nang muli. Ito lang ang alam kong dapat kong gawin.
#vsco #vscocam (at UP Vargas Museum)







